Marian Rivera on working with leading men from other networks

Ito ang natatawang sabi ni Marian Rivera nang tanungin kung pang-Best Actress ba ang acting niya sa Metro Manila Film Festival 2011 entry na Panday 2.
Sa second installment ng franchise film na ito na pinagbibidahan ni Senator Bong Revilla ay gumaganap si Marian bilang si Arlana/Bagwis, na isang dragon.
Pero dagdag din ng Kapuso actress, "Wala namang artista ang hindi naghahangad ng award.
"Pero naniniwala ako na yung kabuuan ng pelikula ay marami talagang mahahakot na awards.
"Pero sila Kuya [Bong] na 'yon. Ako, okay na ako."
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng media si Marian sa latest presscon ng Panday 2 kaninang tanghali, December 14, sa Annabel's restaurant sa Tomas Morato, Quezon City.
Wala ring partikular na eksena na mabanggit si Marian nang tanungin kung ano ang most memorable scene niya sa pelikula.
"Ay, lahat!" bulalas niya.
"Kasi, wala kaming ginawa do'n set kundi magtawanan, magkulitan, at kumain nang kumain.
"Ganun kami sa set."
SENATOR BONG. Ang Panday 2 ang kauna-unahang pagkakataon na nakatambal ni Marian si Senator Bong, na kilala sa pagiging ladies' man nito.
Sabi ni Marian, "Oo naman, hindi lang...kahit sa lalake, ganun siya.
"Kahit sa mga kasamang lalake, ganun siya.
"Yun ang sinasabi ko na si Kuya, mabait siya sa likod at sa harap ng camera talaga.
"Sa staff and crew, mabait siya...hindi lang sa artista, pati sa lahat ng nakakatrabaho niya.
"Ke staff, ke crew, ke cameraman 'yan, lahat pare-parehas ang pagtingin niya."
Puwede bang maulit ang pagtatambal nila?
"Ay, oo naman," mabilis na sagot ng aktres.
"Nag-usap na rin kami ni Kuya at siyempre, may manager din naman ako.
"Pero siyempre, given a chance, bakit naman hindi kung meron siyang magandang offer sa akin."
Dagdag pa ni Marian, "Niloloko niya ako. Gagawa daw siya ng pelikula kahit hindi daw siya yung partner ko.
"Gusto niya raw ako gawan ng pelikula.
"Tingnan natin. Mag-usap sila ng Regal."
Si Bong ay may sariling production outfit, ang Imus Productions, na co-producer ng GMA Films para sa Panday 2.
Wala pa bang konsepto kung anong pelikula ang gustong gawin ni Senator Bong para sa kanya?
"Wala, wala... Siguro biru-biruan lang din, hindi ko alam kung totoo.
"Basta ang importante, nagkasama kami sa Panday."
Ano ang mensaheng nais niyang iparating kay Senator Bong pagkatapos nilang magtambal sa pelikula?
Saad ni Marian, "Thankful ako Kuya na nakatrabaho kita.
"Salamat dahil binigyan mo ako ng chance na maging si Arlana.
"Masaya ako dahil nakilala kita, kung sino ka talaga.
"At napakabait mong tao."
OTHER LEADING MEN. Tinanong ng PEP si Marian kung sino pa ang ibang action stars o male stars na gusto niyang makatrabaho bukod kay Senator Bong.
Aniya, "Siyempre, madami pa, pero mahirap magbanggit [ng pangalan].
"At mahirap, alam mo 'yon, sabihin bakit gano'n.
"Marami pa...kasi nakakatrabaho ko ay puro taga-GMA lang."
Ang kasintahan ni Marian na si Dingdong Dantes ay nakagawa na ng pelikula katambal ang mga artista mula sa kabilang network.
Ito ay sa MMFF 2011 entry ring Segunda Mano, kung saan kasama niya ang ABS-CBN stars na sina Kris Aquino at Angelica Panganiban.
Si Marian ba ay nagnanais ding makatrabaho ang mga artista mula sa ibang networks?
Ayon sa Kapuso primetime queen, "Marami namang ino-offer din, nagkakataon lang na siyempre may mga kumplikasyon...bilang sa kabila [other networks], Regal baby ako.
"So, hindi natin alam kung puwedeng magsama yung mga bagay-bagay na ganyan."
Tuloy ba yung napabalitang pelikulang pagtatambalan nila ni Aga Muhlach?
"For sure naman, sana," tugon ni Marian.
Nagulat naman si Marian sa usap-usapang may gagawin daw siyang mga pelikula kung saan makakatambal niya sina Piolo Pascual at Coco Martin.
"Ha? Hindi ko alam yun, ha. Meron ba?" nagtataka niyang sabi.
"Hindi ko alam, wala pa akong alam.
"Sabi ko naman din, mahirap din namang magsabi ng 'Oo, may gagawin kami.'
"Pero wala pang script, hindi pa namin inuupuan, lahat 'yon, e, wala lang talaga.
"Unless magpa-presscon, may one-on-one kami na io-offer sa amin 'yan, yun, sigurado 'yon.
"Pero sa ngayon, wala pa."