phone: +420 776 223 443
e-mail: support@londoncreative.co.uk

Marian Rivera on possibility of taking the role of Dingdong Dantes's leading lady in My Beloved

Sa ginagawang primetime series ngayon ni Dingdong Dantes sa GMA-7, ang The Beloved, ay wala pang katiyakan kung sino talaga ang magiging leading lady niya rito.



Bagamat nakapag-taping na si Rhian Ramos para sa seryeng ito, nagpalabas ng statement ang GMA-7 last week na hindi na siya matutuloy rito.



Nais daw kasing magpahinga muna ni Rhian sa "trauma" na idinulot ng kontrobersiyang kinasasangkutan nito at ng dati niyang boyfriend na si Mo Twister.'



Sa presscon ng Panday 2 kaninang tanghali, December 14, ay tinanong ang kasintahan ni Dingdong na si Marian Rivera kung napag-uusapan nila ang tungkol dito at kung sino ang napipisil ng Kapuso network na maging kapalit ni Rhian.



Pero saad ni Marian, "Ay, hindi namin napag-uusapan 'yan.



"Kasi naman ang Amaya, e, week 27 pa lang ang tine-taping namin. Hanggang week 33 ang Amaya.



"So, siguro focus muna ako sa Amaya."



Ang Amaya ang epicserye na pinagbibidahan ni Marian sa GMA-7.



Paano kung sa kanya i-offer ang papel ng leading lady ni Dingdong sa My Beloved?



"Actually, gusto ko munang mag-focus sa Amaya," diin ni Marian.



"Pero siyempre, may contract ako sa GMA.



"Kung ano ang ibigay nila sa akin at ano ang kailangan kong gawin, gagawin ko naman 'yon.



"Sa ngayon, gusto ko munang mag-focus sa Amaya.



"Kasi mga limang weeks pa ang kailangan naming tapusin sa Amaya."



Pero kung saka-sakaling i-offer sa kanya at tanggapin niya, tiyak na marami ang matutuwa sa pagbabalik-tambalan nila ni Dingdong.



Sagot ni Marian dito, "Kahit ano naman, siyempre Dingdong 'yan.



"At si Dingdong ay alam n'yo namang mahalaga sa puso ko.



"So, tingnan nating kung ano ang magiging flow.



"Pero sa ngayon, Amaya muna ako."



OPPOSITES ATTRACT. Madalas na natatanong sina Marian at Dingdong kung ano ang sikreto ng kanilang relasyon.



Pareho kasing high-profile stars ang dalawa kaya naman marami ang nagtataka kung paano nila napapanatiling matatag at tahimik ang kanilang relasyon sa kabila nito.



Para kay Marian, "Nasa pag-uusap yun ng dalawang tao.



"Kahit na marami ang nakapaligid sa inyo at maraming sinasabi, ang importante kayong dalawa.



"Kayo ang nagkakaintindihan at strong talaga yung love n'yo sa isa't isa."



Sa kabila ng pagiging matatag ng kanilang pagsasama, aminado si Marian na "magkasalungat" sila ni Dingdong sa maraming bagay.



Kung si Dingdong ay medyo nai-involve sa pulitika, si Marian naman ay hindi raw "forte" ang ganito.



Kung si Dingdong ay sumabak na sa pagpo-produce ng pelikula (Segunda Mano), si Marian naman ay walang balak pasukin ang larangang ito.



Paliwanag ni Marian ukol dito, "Alam mo, kami ni Dong kasi, magkasalungat kami.



"Siguro kaya din kami compatible, alam mo 'yon, kasi magkaiba kami ng hilig at gusto.



"So, kung anong gusto ko, suportahan niya. Kung ano ang gusto niya, susuporthana ko siya.



"Yun ang maganda sa amin, hindi kami parehas ng gusto."



Ano ang pagkakapareho nilang dalawa ni Dingdong?



"Siguro parehas kami ano...mahal namin yung trabaho namin.



"At pinapahalagahan namin ke maliit na tao, ke malaki, pinapahalagahan namin 'yan."



Pinapaiyak ba siya ni Dingdong?



"Hindi nga, e," mabilis na sagot ni Marian.



"Gusto ko nga minsan um-acting, e. Wala, e. Wala talaga.



"At saka wala siyang ibinibigay na dahilan para umiyak ako.



"Kailangan ko pang umarte-arte lang para lang...



"Sabi ko nga, yung relationship namin, parang kailangan ko pang mag-inarte para lang sabihing...kailangan ko pang gumano'n.



"Kung walang gano'n, wala talaga, smooth talaga."



Hindi ba lumalabas yung pagiging "maldita" niya kay Dingdong?



"Hindi nga, e.



"Kasi isa yun sa mga dahilan kung bakit...wala lang, ang saya-saya ko!



"Walang dahilan para maging gano'n."



Nang biruin siya na ang "sarap" naman ng ganung klaseng relasyon, napabuntung-hininga lang si Marian at sinabing: "Ay, buhay!"



MMFF ENTRIES. Parehong may entries sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2011 sina Marian at Dingdong.



Si Marian ay leading lady ni Senator Bong Revilla sa Panday 2 ng Imus Productions at GMA Films.



Si Dingdong naman ay kasama nina Kris Aquino at Angelica Panganiban sa Segunda Mano ng Star Cinema, MJM Productions, at Agosto Dos Productions.



Ang Agosto Dos Productions ang film outfit na pag-aari ni Dingdong.



Ano ang usapan nila ni Marian at Dingdong gayong pareho silang may entries sa MMFF?



Ayon kay Marian, "Actually in-invite ko siya sa premiere night ng Panday.



"Kaso ang Segunda Mano, wala yata siyang premiere night.



"Mismong sa December 25, niyaya ako ni Dong na manood muna ng sine bago umuwi sa Cavite."



Sigurado bang darating si Dingdong sa premiere night ng Panday 2?



"Yun ang hindi ko lang alam kasi naghahabol yata sila sa soap nila," sagot ng aktres.



KRIS AQUINO. Ang co-star ni Dingdong sa Segunda Mano na si Kris Aquino ay "super love" daw si Marian.



Ano ang reaksiyon dito ng Kapuso actress?



"Alam ko naman 'yan," nakangiting sambit ni Marian.



"Si Ate Kris, kahit hindi kami madalas nagkikita niyan, pero every day nagte-text sa akin 'yan.



"So, alam ko naman 'yon."



Gaano kalalim ang friendship nila ni Kris?



"Hindi ko masabi kung gaano kalalim, pero consistent kasi si Ate na nagte-text siya sa akin every day.



"Ke me pelikula sila ni Dingdong o wala, nagte-text siya sa akin...



"Mga quotations tungkol kay Lord, mga verse, mga prayers. Palaging gano'n si Ate."



Puring-puri rin ni Kris si Marian dahil sa pagiging "very generous" daw nito kay Dingdong.



Kuwento naman ni Marian, "Oo, nakakatawa si Ate, hindi ko siya makakalimutan...



"Siguro ang hindi ko makakalimutan, nag-text siya sa akin, sabi niya, 'Yan, ano bang ginagamit mong eye cream? Bigyan mo nga si Dong kasi kailangan namin sa eksena na hindi ganun yung mata niya.'



"Nakakatawa at nakakatuwa din na nagte-thank you din ako kay Kris na inaalagaan din niya si Dong sa mga eksena, hindi lang siya.



"So, yun lang, masaya ako do'n."



Dagdag pa ni Marian, "Wala namang dahilan para hindi alagaan si Dong."



Posible rin bang gumawa sila ng pelikula ni Kris? Anong role ang gusto niya kung sakali?



"Ay, kahit na ano.



"Siyempre masaya din ako if ever makatrabaho ko si Ate.



"Bakit hindi, di ba? Ako naman ang lilipad sa kabila!" tawa niya.



GOODBYE, 2011. Natanong din si Marian kung paano niya napapanatili ang kanyang "clean image" sa kabila ng pagkakilala sa kanya bilang maldita at mataray.



"Clean? Naliligo naman ako!" natatawang biro ng aktres.



Pero dugtong niya, sa seryosong tono na, "Siguro pagiging totoo ko lang naman sa sarili ko.



"As long as wala akong tinatapakang tao at enjoy ako, at nag-e-enjoy yung mga tao pag nakikita ako, that's it!"



Ano naman ang mga natutunan niya ngayong 2011?



"Madami! Masarap ang buhay at kailangan i-enjoy mo talaga siya."



May mga bagay o pangyayari ba siyang gustong kalimutan ngayong 2011?



"Wala," mabilis na sagot ni Marian.



Paliwanag niya, "Kasi naniniwala ako na sa bawat araw na pinagdadaanan ng isang tao ay may natututunan ka, e.



"Bakit mo tatanggalin 'yon, di ba?



"Kung doon ka mas magiging stronger at magiging mas mabuting tao, bakit hindi. Di ba?



"Thank you," pahabol pa ni Marian nang biruin na pang-Miss Universe ang sagot niya sa tanong ng PEP.

(Article: Erwin Santiago of www.pep.ph)



Blackjack | poll online | Kazino | Buy Shaving Products | swisscasino