phone: +420 776 223 443
e-mail: support@londoncreative.co.uk

Marian Rivera sports new look; boyfriend Dingdong Dantes approves: "Ay, para akong may bagong girlfriend."

Gorgy Rula


May bagong look si Marian Rivera nang dumating ito sa departure area ng NAIA Terminal 2 kahapon.



Nagpalit ng hairstyle ang aktres bilang preparasyon sa bago niyang teleserye sa GMA-7, ang My Beloved.



Umalis sila ni Dingdong Dantes patungong Singapore para sa ilang araw na bakasyon kasama ang kanilang manager na sina Perry Lansigan at Popoy Caritativo.



Naunang dumating si Dingdong sa airport dahil siya ang nag-check-in sa kanilang lahat.



"We're taking a short trip to Singapore kasama ng mga managers namin.



"Para naman ito kay Marian, kasi 10 months siya nag-taping ng Amaya.



"I think she deserves a short vacation kahit papaano, para recharged yung body, mind and soul para sa pagsabak ng My Beloved," pahayag ni Dingdong sa entertainment press kasama na ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).



"Kahit tatlong araw lang at least magkakasama kaming lahat tapos relax lang."



Ang sabi naman ni Marian, "Tsaka ako din after Amaya bigyan man lang ako ng tatlong araw yung sarili ko na makapag-aliw-aliw."



Tuwang-tuwa ang aktres at ikinuwento sa media na nagulat daw si Dingdong nang ipinakita nito ang bagong gupit niyang buhok.



Isa lamang ito sa paghahanda niya para sa role na gagampanan sa My Beloved.



Kuwento ni Dingdong, "Nung nakita ko siya kahapon e, akala ko ibang tao. Matagal na kasi niyang pinaplano yun.



"Gusto niyang mangyari iyun. Alam mo naman kahit anong buhok niya e, sobrang ganda talaga ni Marian."



Pahayag naman ni Marian, "Para bagong show, bagong hitsura, tsaka bagong utak," sabay tawa niya.



"Kasi tapos na ang Amaya, hindi naman sa gusto kong burahin [si Amaya]. Gusto ko naman paghandaan si Czarina sa My Beloved.



"Wala naman akong peg sa bagong look na ito. Wala akong ginaya.



"Nagpakita ako sa kanya [Dingdong] kahapon after akong gupitan. Sobrang happy niya, 'Ay para akong may bagong girlfriend,'" sabi raw sa kanya ni Dingdong, sabay bitaw nito ng malutong halakhak.



Naka-schedule magsimula ng taping si Marian sa My Beloved sa Lunes at dito na raw muna siya mag-concentrate bilang pagbabalik-tambalan nila ni Dingdong.



Wala raw muna siyang masasabi sa balitang magsasama sila ni Angel Locsin sa isang pelikula.



"Pinag-uusapan pa lang e. Mahirap ding magdesisyon kasi may manager ako, Regal baby ako.



"Marami dapat i-consider kung sinong mga taong dapat kausapin," pakli nito.



Iniiwasan na rin ni Marian na pag-usapan pa ang mga negatibong isyu kaya nakiusap itong wala na muna siyang sasaguting intriga.



Tumanggi rin itong sagutin ang tungkol sa sinabi ni Heart Evangelista na hindi raw nito sinagot ang ngiti at tango sa kanya nang magkasalubong sila sa GMA-7.



Mabuting manahimik na lang daw siya sa ilang kuwentong hindi naman totoo.



Mas marami raw siyang dapat ipagpasalamat kesa sa pansinin ang mga negatibong balita.



Isa na rito ang napaka-successful na pagtatapos ng Amaya na nag-trending sa Twitter at ilang social network sites.



"Maraming salamat po sa mga nagmahal kay Amaya.



"Naging successful po kami dahil sa inyo. At sa Lunes, magti-taping na po ako ng My Beloved.



"Abangan 'nyo po, sa February ako lalabas," masayang pahayag ni Marian.