phone: +420 776 223 443
e-mail: support@londoncreative.co.uk

Marian and Angel together in one movie?


Angel Locsin at Marian Rivera, magsasama sa isang pelikula?



Ito ngayon ang maugong na usap-usapan sa umpukan ng mga taga-showbiz, na pagsasamahin daw sa pelikula ang dalawa sa pinakasikat na female stars sa bansa.



Pero may mga nagsasabing malabo itong mangyari dahil sa magkalabang networks nagtatrabaho ang dalawang aktres.



Si Angel, 26, ay nasa bakuran ng ABS-CBN; samantalang si Marian, 27, ay contract star ng GMA-7.



Bukod sa nakakontrata sila sa magkaibang TV networks, magkaiba rin sila ng film outfits na pinaglilingkuran.



Si Angel ay may kontrata sa Star Cinema ng ABS-CBN, at si Marian naman ay nakapirma sa Regal Entertainment ngunit maaaring gumawa para sa GMA Films ng Kapuso network.



Sa kabila nito, may mga naniniwalang hindi imposibleng magsama sa isang pelikula sina Angel at Marian.



Nauuso na rin kasi ngayon ang collaboration sa pelikula ng mga contract star mula sa ABS-CBN at GMA-7.



Ang pinakahuli nga ay ang boyfriend ni Marian at kapwa niya Kapuso na si Dingdong Dantes, na nakipag-collaborate sa ABS-CBN star na si Kris Aquino sa pelikulang Segunda Mano.



Upang kumpirmahin ang report na ito tungkol sa pagsasama diumano nina Angel at Marian, nagpadala ng magkahiwalay na text message ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa managers ng dalawang aktres kaninang hapon, January 10.



Ayon sa manager ni Marian na si Popoy Caritativo, ideya raw ni Mother Lily Monteverde ng Regal Films ang pagsasama ng alaga niya at ni Angel.



Sabi ni Popoy, "Marian and I are open to [it], pero wala pa talagang napag-uusapan."



Dagdag pa ng manager ni Marian, ang inaayos daw ngayon ni Mother Lily ay ang pelikula ng aktres na pagtatambalan nila ni Aga Muhlach.



Samantala, ayon naman sa manager ni Angel na si Manay Ethel Ramos, hindi pa sila nakakapag-usap ni Malou Santos.



Si Ma'am Malou ang presidente ng Star Cinema kung saan nakakontrata ang aktres.



Incidentally, si Manay Ethel din ang manager ni Aga.



Matatandaang minsan nang nagkatampuhan sina Angel at Mother Lily.



Kasabay kasi ng paglipat ni Angel sa ABS-CBN ay ang pagpirma niya sa Star Cinema.



Ayon kay Mother Lily, may natitira pang tatlong pelikula sa kontratang pinirmahan noon ni Angel sa Regal Films.



Giit naman ng kampo ni Angel, nagawa na ng aktres ang lahat ng pelikulang nakasaad sa kontrata.



Pero sa paglipas ng panahon, tila nawala na ang tampo ni Mother Lily dahil naiisip niyang muli si Angel upang gumawa ng pelikula para sa kanyang film outfit.



RIVALS. Itinuturing na mahigpit na magkaribal sa showbiz sina Angel at Marian.



Si Angel ay dating contract star ng GMA-7, kung saan ginawa niya ang ilan sa pinakamatagumpay at pinakamalalaking fantasy-action series ng network—Mulawin, Darna, Majika, at Asian Treasures.



Pero noong 2007 ay ginawa ni Angel ang pinakamalaking hakbang sa kanyang showbiz career.



Nilisan niya ang GMA-7 at lumipat sa bakuran ng ABS-CBN.



Bago siya magdesisyong lumipat ay nakahanda na sana ang susunod niyang proyekto sa GMA-7 pagkatapos ng Asian Treasures.



Ito ay ang Pinoy version ng sikat na Mexicanovela na Marimar, na nagtampok kay Thalia.



Sa pag-alis ni Angel, nagsagawa ng audition ang Kapuso network para sa aktres na gaganap sa lead role ng Marimar.



Sa huli, ang napili ay si Marian Rivera—na gumaganap noon ng supporting at mother roles sa ilang proyekto ng GMA-7.



Naging malaking tagumpay ang Marimar, at nakilala rin nang husto ang tambalan ni Marian sa kanyang leading man na si Dingdong Dantes.



Pagkatapos nito ay nagkasunud-sunod na ang malalaking proyekto na ginawa ni Marian sa Kapuso network: Dyesebel, Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang, Darna, Endless Love, at ang kasalukuyang palabas na Amaya.



Dahil dito ay binansagan si Marian bilang "Primetime Queen" ng GMA-7.



Si Angel naman ay itinambal sa pinakamalalaking leading men ng ABS-CBN sa mga teleserye at pelikula.



Kabilang dito sina Piolo Pascual (Lobo at Love Me Again), Sam Milby at Diether Ocampo (Only You), Aga Muhlach (In The Name of Love), at John Lloyd Cruz (Imortal at Unofficially Yours).



Kinilala rin ang husay ni Angel bilang aktres dahil sa pagganap niya sa isang episode ng Maalaala Mo Kaya (Star Awards for TV) at sa Lobo (Asian TV Awards).



Bagamat "mortal na magkaaway" ang kanilang mga tagahanga, masasabing magkaibigan naman ang dalawang aktres.



Minsan nang nagtagpo ang kanilang landas nang magbigay si Marian ng kanyang personal item sa ginawang proyekto ni Angel para sa mga nasalanta ng bagyong Ondoy.



Kung sakaling matuloy ang pinaplanong pagsasama nina Angel at Marian sa pelikula, tiyak na aabangan ito hindi lamang ng kanilang mga tagahanga kundi maging ng publiko.