Sen Revilla is all praises for Marian Rivera
''Masayang ibinalita ni Sen Bong Revilla na malapit nang matapos ang shooting ng kanyang filmfest movie na Panday 3, kung saan katambal niya ang Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera.
Sa ulat ni showbiz reporter Lhar Santiago, sinabing pinangunahan ng mag-asawang Sen Bong at Cavite Rep Lani Mercado ang bloodletting activity sa Quezon City.
Ang naturang aktibidad ay itinaon sa kaarawan ni Sen Bong, kung saan inimbitahan din niya ang ilang kaibigang artista na mag-alay ng dugo para sa mga residente ng Quezon City na tinamaan ng sakit na dengue.
“Siyempre hindi naman natin puwedeng tiisin ang mga kababayan natin na nangangailangan ng dugo kaya ‘yon ang ginagawa natin ngayon. Para tayong bambira na sumisipsip ng dugo para ipambigay tulong naman, pang-dagdag buhay," pahayag ng senador sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Huwebes.
Gayunman, nabigo si Sen Bong na makabigay ng dugo dahil inuubo siya. Kaya ang misis na lamang niyang si Lani ang kinunan ng dugo at nagbiro na dugong alipin ang makukuha sa kanya.
Ang biro ng kongresista ay patungkol sa karakter na ginagampanan niya sa hit epicserye na Amaya, na pinagbibidahan din ni Marian.
Lubos naman ang pasasalamat ni Quezon City mayor Herbert Bautista sa paghahandog ng dugo ng kanyang mga kasama sa showbiz industry.
Tungkol naman sa Panday 3, puring-puri ni Sen Bong ang kanyang leading lady na si Marian dahil maayos daw itong katrabaho.
“Never kaming nagkaroon ng problema ni Marian. Sabi ko nga iba yung naririnig ko sa labas pero sa totoo mabait siya, totoong tao siya, very professional," pahayag ng action star-politician.
(Article: FRJimenez, GMA News; Video: Talmage)