Marian Rivera has a very good relationship with Dingdong Dantes's manager and vice versa
Dumalo si Marian Rivera sa launching ng Biblio noong September 9 sa The Establishment Bar sa The Fort, Taguig City.
Ang Biblio ay ang coffee table book na naglalaman ng mga larawan ng lahat ng talents ng PPL Entertainment, Inc., kabilang na ang boyfriend ni Marian na si Dingdong Dantes.
Kapansin-pansin na kahit magkaiba ng managers sina Marian at Dingdong, makikita ang pagkakasundo ng mga ito. Ang manager ni Dingdong ay ang PPL head na si Perry Lansigan, at ang manager naman ni Marian ay si Popoy Caritativo.
Ayon kay Marian, "Iba kasi silang mag-manage sa amin.
Sa halos lahat din ng endeavors ni Dingdong, at kahit sa events ng PPL, ay makikita palagi ang suporta ni Marian.
"Oo naman," sambit ng aktres nang tanungin ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) tungkol dito.
"Kasi, lahat ng ito, ipinapaliwanag niya sa akin, ine-explain niya sa akin.
"Kahit noong una pa lang na hindi pa nagagawa yung Yes Pinoy [Foundation], ine-explain niyang lahat sa akin na, 'Eto ang magiging kakalabasan. Kailangan ko ng ganito para magpagawa ng ganito.'
"So, palagi kaming may moment na ganoon."
Dagdag pa niya, "At the same time, si Dong din naman, kapag may event si Popoy, nandoon din siya para sa amin.
"So, ganoon lang din kami ni Popoy para kay Perry."
Natatawang sumagot naman si Marian nang tanungin kung may lovers' quarrel o LQ sila ni Dingdong noong gabing yun.
Aniya, "Wala! Arte-arte lang.
"Alam n'yo naman sa relationship, kailangan ng ganoon, e. 'Sa'n ka na? Tagal mo, Dad!' Ganoon lang."
NEXT PROJECTS. Sa ngayon ay magkahiwalay ang mga proyektong ginagawa nina Marian at Dingdong.
Kung si Marian ay abala sa epicserye niya na Amaya at sa pelikula niyang Panday 2, si Dingdong naman ay dalawang pelikula ang tinatapos (Aswang at Segunda Mano) at malapit na ring simulan ang kanyang teleserye (Sundo).
Ayon kay Marian, hindi pa nila alam kung kailan ulit sila magkakasama ni Dingdong sa isang show.
Pabiro nga nitong sinabi na nandoon daw ang SVP for Entertainment TV ng GMA-7 na si Ms. Wilma Galvante, at ito raw ang tanungin namin dahil ito raw ang makakasagot.
Pero pagkatapos ng Amaya, sinabi ni Marian na isang sitcom ang susunod niyang show sa GMA-7.
"Actually, ako lang ang hinihintay nila kasi gusto ko munang tapusin ang Panday bago ako magbukas ngayon ng another show.
"Kasi, ang hirap magsabay-sabay. Kasi, four times a week ang Amaya, tapos magkakaroon pa ako ng movie.
"Tatapusin ko muna ang movie bago sitcom na. Pero soon na 'yan, very soon," saad niya.
May two days shooting pa raw siya ng Panday. Pero hindi pa sure si Marian kung sa Palawan daw ito isu-shoot.
"Hindi ko nga alam, e. Sana dito lang.
"Wala rin kasi akong alam dahil si Popoy naman ang nag-aayos ng schedule," sabi ni Marian.
Pagdating naman sa pinagbibidahan niyang epicserye, masaya raw si Marian sa nangyayari rito.
Kung tutuusin, ang Amaya ang isa sa pinakamatagal na seryeng umeere ngayon sa GMA-7. Imbes nga na hanggang October lang ito, nabalitang mag-e-extend pa ito hanggang November.
"Dapat matatapos na kami hanggang October, pina-extend kami ng three weeks.
"Pero sabi ko, 'Mae-extend pa ba?' Sabi nila, ayaw raw nila na lumaylay ang story.
"Siyempre, kung mae-extend kami hanggang November, seven months nang umeere ang Amaya. So, sobrang tagal na.
"Siyempre ako, gusto ko na ma-extend. Pero dun din ako sa kung saan magiging maganda ang ending kesa sa malaylay ang story," pahayag niya.
Malapit na rin daw siyang maging warrior sa Amaya.
"Malapit na. Sobrang malapit na."
Kinumpirma rin ni Marian na may bagong character na papasok sa Amaya at isa sa magiging leading men din niya. Ito ay ang Kapuso hunk na si Aljur Abrenica.
Hindi na rin naman daw bago na makasama ni Marian ni Aljur sa iisang proyekto.
"Nagkatrabaho na rin naman kami sa soap namin dati na Dyesebel. Nakasama ko siya sa Temptation Island. So, nakasama ko na rin siya.
"Ako naman kasi, kahit sino, basta makakaganda sa story at gusto ng management," pagtatapos ni Marian.
(Article: Rose Garcia)